sa isang silid na hindi
nakasasapat, hindi natutugunan
ang marami mong pangangailangan, tulad ng mabuting
panaginip na magpapatuloy lamang
sa katamtamang lamig. Hindi mo inasahan,
kinuskos mo ng diyaryo ang bawat kuwadro ng bintana,
hanggang sulok, naghalo ang mga titik sa tubig, ang lahat
naglaho sa isang bola ng dilim na tangi sa lungsod at
nagkasya sa iyong paningin: walang tinag na kulimlim
at wala pang ngalan na bagyong nakatakdang alalahanin
sa mga susunod na taon. Dahil dapat wala ka na
rito. Nag-aabang, kailan ilalayo ang
katawan? Sabihin nating naiisip mo ang kabutihan
ng silid na walang bintana.
Sinisipat natin ang sunod-sunod na dingding hanggang
matunaw ang kongkreto ng paningin.
Nakalikha tayo ng tuluyang butas ng liwanag, napag-
isa ang kuwento ng buong lungsod, at tinawag
itong Pala-palapag na Posibilidad ng Pag-angkin.
Mapanganib ang ating ginagawa at hindi
iisang tagpo ang lumigalig sa ating pagtitig. Ngunit
kagyat nasa tainga natin ang bibig
ng balita at sa ating likod ang hagod ng lamig:
Huwag kang mapagod sa paghihinala.
anong bagong kuwento na hindi sa ‘yo, bulong
na para lang sa ‘yo. Marahil hinggil sa pulang bestida.
Dinidilaan natin ang mantika sa ating mga labi.
Pulang mantsa sa bulwagan ng mga daliring nasa
bingit ng buto’t balat, leeg at nilulunok na laway.
Nangyari na ito sa ‘yo, hindi batid na siya na
ang tanghal, siya at ang pulang bestidang nasa
ilalim ng pamagat na Hangga’t Hindi Natutunton—iyon—
pabilis nang pabilis na kumpas ng baton. Dumadaloy,
malaya sa pana-panahon, ang salaysay ng pagtawag
at silang tumalikod upang tumugon, angkinin ang lihim.

Nabubura ang pandama sa bilis ng panahon.
Ang nais ko, kumuha ng isang bagay. Likumin ito ng katawan hanggang matuklasan ang iba’t ibang amoy, hugis, gaspang, kintab, init sa paglipas ng panahon.
Saka tiyak na matatagpuan ng aking palad ang iyong mga pilat sa unang dampi. Saka ko masasambit na “Mayroon kang bagong sugat dito at dito.”

Nasa loob ng punda ang kanyang mga paa at pumapagaspas ang kurtinang hinihipan-hinihigop ng hangin nang magising siya. Lamig na labas-masok sa isip. Nang magising siya awtomatikong nagdaop ang kanyang mga talampakan. Kanina kumakagat siya ng yelo dahil nasa loob ng yelo ang huling pagkain sa mundo. Hindi niya maalala kung para sa sarili o kung may pagbibigyan nito. Ikatlong pikit-kagat at nalagas ang dalawa niyang ngipin. Sa bulsa sa dibdib niya sila isinilid kasama ang pangakong muli silang ililibing sa kanyang gilagid.

Dito ka nagmula, turo ng ama sa ari sa panaginip.
Kapangyarihan ng tinig.
Amang walang-mukha.
Laman mula sa laman.
Ari mula sa ari.
Kaya kita pag-aari, hila ng ama sa sinturong lingkis ang kanyang leeg.
Ginapang niya ang pagbabalik
Ang mga desisyong ginawa mo sa lumipas na panahon, narito natitipon
